NBI: Network ng NAIA terror suspect, inaalam

Inaalam na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang iba pang sangkot sa “terror plot” ng grupong USAFFE, matapos mabunyag ang mas malawak na target operations ng mga ito.

Ayon kay NBI-Anti-Organized Transnational Crime Division head Rommel Vallejo, batay na rin umano sa pag-amin ng mga naarestong suspek, mayroong kontak ang kanilang grupo sa loob ng Mall of Asia (MOA) sa Parañaque City, na kabilang sa binabalak na taniman ng bomba.

“They said they already have a contact from inside the mall to help them smuggle the explosives inside,” ani Vallejo.

Napag-alaman na ang MOA ay pag-aari ng Tsinoy mall magnate na si Henry Sy.

Una ng kinilala ang “self-proclaimed” leader ng grupo ay isang Pepito Guerrero, habang ang mga kasamahan nito ay sina Emmanuel San Pedro at Sonny Diojanon, kung saan naharap ngayon ang mga ito sa kasong conspiracy to commit terrorism.

Naniniwala naman si Justice Sec. Leila de Lima na may malaking grupo ang nasa likod ng terror plot.

“May iba pa bang agenda, is it just about the dispute with China? Baka meron pang ibang agenda. Iyan ang inaalam natin kung may bigger agenda pa ang grupo,” ani De Lima.

Maliban dito, aalamin din umano sa nagpapatuloy na imbestigasyon ang pagtukoy sa iba pang personalidad na sangkot at kung gaano kalaki ang operasyon ng mga ito.

“Ano ang tunay nilang agenda. Sila lang ba iyan o kung may mga nasa likod pa, etc., so aalamin din natin iyan.”

‘Ex-PBA import Balkman, excited sa laro vs Ph cagers’

Excited na rin umano si former PBA import Renaldo Balkman na makakalaban ang Philippine national basketball game sa kanilang “do-or-die” faceoff ngayong gabi sa nagpapatuloy na 2014 FIBA World Cup.

Ang dating manlalaro ng Petron Blaze na si Balkman ang mangunguna sa koponan ng Puerto Rico.

“I’m looking forward to play the Philippines,” ani Balkman.

Ang Philippine versus Puerto Rico match ay gaganapin mamayang alas-7:30, oras sa Pilipinas.

Una rito, inihayag ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes na nanatiling buhay ang kanilang pag-asa na maka-abanse pa rin sa next round, sa kabila ng tatlong magkasunod na talo.

Kailangan ngayon ng koponan na makasungkit ng dalawang magkasunod na panalo para sa second round ng Group B.

“From the start, we know it’s very hard to get to the second round, but it’s still wide open. Nobody is above 2-0. We win our next two games, we get two (games) as well,” ani Reyes.

Nakalinya rin para sa Pilipinas ang FIBA Afro championship third placer na Senegal.

‘Tug-of-war sa impeachment issue, tuloy sa plenaryo’

Tuloy pa rin umano ang laban ng mga nagsusulong ng impeachment complaints laban sa Pangulong Benigno Aquino III, sa kabila nang pagkakabasura kahapon ng House committee on justice sa mga reklamo dahil sa pagiging “insufficient in substance.”

Sa panayam ng Brigada News FM kay partylist Rep. Neri Colmenares, inihayag ng opisyal na umaasa pa rin silang mabubuhay ang reklamo sa plenaryo ng mababang kapulungan.

Napag-alaman na nangangailangan ngayon ng 1/3 votes ng House members o 97 congressmen ang mga petisyoners para mabaliktad ang committee resolution.

“Suntok man sa buwan ito, pero tiwala pa rin tayo na magbabago ang posisyon ng ating mga kasamahan sa Kamara at makita nila ang kahalagahan na kailangang magpaliwanag ang Pangulong Aquino dito sa mga isyu na itinatanong sa kaniya ng taongbayan,” ani Colmenares.

Una nang malma ang House committee on justice sa alegasyong ni-railroad ang pagbasura sa impeachment complaints laban sa punong ehekutibo.

Ayon kay commitee chairman at Iloilo Rep. Niel Tupas, dumaan sa naayon na standard ang pagdinig at paghimay sa bawat artikulo na nakapaloob sa reklamo.

“As far as the committee is concerned, the complaints are dismissed. We will report to the plenary and we are confident that the plenary will sustain the decision of the committee.”

Australian national patay sa isang hotel sa Pasay

Patuloy pa ngayon ang isinasagawang imbistigasyon ng mga awtoridad kung may foul play ba sa pagkamatay ng isang dayuhan na naka check-in sa Atrium hotel sa lungsod ng Pasay.

Kinilala ni P/Insp. Cosme Tante Jr ang biktima kay Robert Andrew, 65, isang Australian national at residente ng Mt. Waverly Melbourne Victoria, Australia.

Sa inisyal na imbistigasyon nabatid na nakita pa di umano ng mga residente na malapit sa lugar kagabe ang biktima na palakad-lakad sa labas ng nasabing hotel na tila balisa at walang tsinelas.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa pamunuan ng nasabing hotel para malaman kung tumalon o itinulak ba ang nasabing dayuhan samantalang inaalam na rin kung anong palapag ito naka check-in.

Williams sisters, out na sa US Open doubles

Nakalasap ng upset ang US tennis sisters na sina Venus at Serena Williams sa quarterfinal match nang nagpapatuloy na US Open.

Ang magkapatid ay tinalo ng tambalan nina Ekaterina Makarova at Elena Vesnina sa iskor na 67-, 4-6 sa women’s doubles draw.

Sinamantala ng 4th-seed Makarova-Vesnina tandem ang mga “unforced errors” ng magkapatid para maka-abanse sa next round ng torneo.

Samantala, pasok naman sa semi-finals si Flavia Pennetta at partner Martina Hingis matapos manalo sa quarterfinal match 6-4, 6-3.

Bukas, maglalaban si Pennetta at Serena sa singles quarterfinal match ng grand slam tournament.

3 suspek sa ‘terror attempt’, nanindigang inosente

Nanindigan ang abugado ng tatlong suspek sa tangkang pagpapasabog sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 na inosente sa isinampang krimen ang kanyang mga kliyente.

Sa halip, itinuro ni Atty. Oliver Lozano, abugado nina Grandeur Pepito Guerrero, Emmanuel San Pedro at Sonny Yohanon, ang isang Norberto Paranga na siya umanong may pananagutan sa natagpuang pampasabog sa loob ng sasakyan na nakaparada sa NAIA.

Si Paranga umano ang humiram ng sasakyan na Toyota Revo na may plakang WMK 129 mula kay Guerrero.

Si Paranga rin umano ang may kontrol at nakakaalam ng laman ng sasakyan.

Naniniwala rin si Lozano na biktima lamang ang kanyang mga kliyente at ang grupong nasa likod nito ay posibleng ang grupong may acronym na TERM o Extension of Term Movement na nais na lumikha ng destabilisasyon para bigyang daan ang deklarasyon ng Martial Law na magiging hudyat naman ng Charter Change at pagpapalawig sa pwesto ni Pangulong Aquino.

Naniniwala rin si Lozano na hindi ito patas para kay Pangulong Aquino, pero batay sa impormasyon na kanyang natanggap, may mga panatiko umanong kongresista na sumusuporta sa Pangulo gaya umano ni Congressman Erice na suportado ang term extension ng punong ehekutibo.

Plano ni Lozano na magtungo sa Kamara para komprontahin si Erice sa kanyang natanggap na impormasyon.